Posted by balitangpabloy
By: NANI CORTEZ
Kahit matindi ang lakas ng ulan ay hindi natinag ang mula anim hanggang pitong libong katao na binubuo ng mga propesyunal, manggagawa at karamihang mag-aaral sa idinaos na Yakap sa Law noong Biyernes. Ito ay nangangahulugan lamang na marami ang naniniwalang ang lahat ay dapat kumilos alang-alang sa kalikasan.
May mga nagsasabing aabot sana sa sampung libo ang pariticipant kung hindi bumuhos ang ulan mula madaling araw hanggang sa buong maghapon. Ang ibang mag-aaral partikular ang mga nasa elementarya ay hindi na pinaalis ng mga guro sa paaralan sa payo na rin ng kani-kanilang mga magulang.
Natuloy ang simbolikong kapit-bisig sa Amante Stadium ng Central School sa kabila ng langitngit ng ulan. Kay aya sanang pagmasdan kung sa gilid mismo ng Sampalok Lake ito naganap kung ipinahintulot lamang ng panahon, magkaganoon man ay nakamit din ng Yakap sa Lawa ang banal nitong layunin.
Napag-isa nito ang maraming sektor ng lipunan tungo sa iisang paniniwala na kinakailangan nang tumayo at manindigan ang lahat para sa kapaligiran at para sa kalikasan. Sumasaludo ang pitak na ito sa mga nagtaguyod ng proyektong ito, sa mga NGO, samahang sibiko at Pamahalaang Lunsod ng San Pablo. Si Arvin Carandang ang nakipagtalastasan sa lahat upang itoy ganap na maging tagumpay.
Sa darating na Oktubre 22-24 ay magdaraos naman ng seminar-workshop ang Tanggol Kalikasan para sa mga media practitioners ng Camarines Sur, Batangas at Laguna sa Nawawalang Paraiso sa Lunsod ng Tayabas. Ito ay sa ilalim ng kanilang Wetlands Conservation Program at itataguyod ng Ecosystem Grant Program ng bansang The Netherlands.
Iisa ang ibig sabihin ng mga ito, na samakatuwid ay iisa rin ang mensahe. Lubhang malala na ang suliranin natin sa aspeto ng kapaligiran kung kaya’t nararapat nang mabatid ng lahat upang hindi man direktang makatulong ay hindi na makadagdag pa sa bumibigat na problemang pang-kalikasan.
Kay tagal nang inaabuso ng tao ang kapaligiran at kinakailangan nang malaman kung ano ang dapat at hindi nararapat gawin upang ang mga ito’y mahinto na.
May kaselanan na ang sitwasyon na dapat nang bigyan ng pansin. Kailangan na ang pagbabago ng pananaw ng bawat isa bago mahuli ang lahat. Bigyan natin ng pagkakataon ang kalikasan.